Noong June 2011 nag leave ako sa trabaho upang mag-apply
para sa Social Security System (SSS) Identification Card sa opisina nito sa
Cubao, Q.C. Mahaba ang pila nung araw na yon kaya buong araw akong di pumasok
sa trabaho. Ang kagandahan naman nito, mabilis yung proseso—mula sa pag-fill
out ng application form, bayaran ng fee, hanggang sa kuhanan ng photo. Alas
tres na nung nakauwi ako sa boarding house. Gayunpaman, labis akong
nagpasalamat para sa araw na yon dahil sa wakas magkakaroon na rin ako ng SSS
ID in one and half a year. Ganun daw ako katagal magaantay ayon sa mamang
kumuha ng litrato ko. Matagal oo, pero maigi nang magsimulang mag antay kesa di
na lang mag-apply. Gaya ng sabi ko, June 2011 ako nag apply. At base sa
timeframe na binigay ng mamang litratista, dapat nasa akin na ngayon ang
inaasam asam kong ID card.
Natapos ang taong 2011 ni hindi ko tinangkang mag-follow-up
dahil nga iniisip ko noon na dapat isa’t kalahating taon ako mag antay. Ibig
sabihin nito, December 2012 ko pa makukuha ang naturang ID. Matiyaga nga akong
nag-antay hanggang December 2012. Subalit dumating at lumipas ang Dsecember
2012 hindi dumating ang ID. Hindi pa rin ako nag follow up bilang bigay palugit
ko sa SSS. Siguro nga ay sira ang machine nila gaya ng lagi nilang sinasabi sa mga
nag-fa-follow-up. February 2013 na noong naglakas-loob akong mag-follow up.
Ginalugad ko ang internet para sa hotline number ng SSS. Nahanap ko nga ang mga
numero subalit ubod-hirap namang kumontak at sa mga pagkakataon na may
makakausap sa trunkline sasabihan ka na busy daw ang linya sa ID follow-up
station. Lumipas ang mga araw na sinusubukan kong kontakin ang numbers para sa
follow-up ng ID subalit lagi akong bigo.
February 27, 2013 naka-schedule akong mag-apply ng pasaporte
sa Galleria. Sa katangahan ko lang di ko naisip na dapat may isang government
ID ako bilang requirement. Meron sana akong government ID kung hindi ako
dinukutan ng wallet nang kung sino mang hinayupak. Sa makatuwid, hindi ako
nakapag apply for passport. Naalala ko yung SSS ID ko. Naisip ko na baka pwede
ko na lang kunin mismo sa opisina nito sa East Avenue QC. Sa halip nga na
mag-aply for passport nagpunta na lang ako sa SSS East Ave. Siyempre
kinailangan ko nanamang mag leave para sa ID na ito. Maaga akong nagpunta at
maaga ko ring nakuha ang verification
slip kung saan nakasaad na nasa Quezon City Post Office na nga ang aking ID.
Labis akong natuwa at excited na pumunta sa Post office. Habang nasa tricycle
ako papuntang post office naisip ko na kailangan lang pala na personal mong
i-follow-up ang ID para makuha agad. Sa unang pagkakataon sa araw na iyon
nagkaroon ako ng ngiti sa labi ko. Nasa ganung moda ako ng pagmumuni-muni nang
huminto ang tricycle at nasa post office na pala kami. Bente ang pamasahe na
ikinagulat ko dahil mukhang malapit lang naman ang nilakbay namin. Pero
hinayaan ko na yon gayung mas excited akong makuha ang ID ko.
Pagpasok ko ng gate ng post office nakita ko agad ang
estblisimiento na tila pinagdaanan na ng panahon. Basag ang mga bintana at ang
tila bodega nitong pintuan ay di na yata maayos. Naisip ko, kawawa naman ang
building na ‘to pero siguro epektibo naman ang serbisyo ng mga empleyado, doon
na lang sila babawi. Pagpasok ko sa ground floor napansin ko ang isang malaking
tarpaulin na nakabalandra sa pinakadulong window/counter. Window 9 yata yun
kung di ako nagkakamali. Sa tarp nga na yon nakalahad ang mga steps sa pag-claim
ng SSS ID Card. Sabi sa tarp: kapag may
verification slip nang hawak mula SSS, umakyat na sa second floor at hanapin
ang kartero ng inyong lugar. Sinunod ko ang nakasulat na yon sa tarp. Sa
bungad lang ng hagdan nakita ko ang
kartero ng para sa CUBAO. Ibinigay ko ang verification slip ko sa mamang
nandoon. Tinanong kung taga saan ako sa cubao sabay abot sa akin ng isang
makapal na folder. Hanapin ko daw ang pangalan ko doon. Alam kong di ko dapat
ginagawa ang pinagagawa ng mamang ito subalit sa kagustuhan kong mapabilis ang
paghahanap isa-isa ko ngang ginalugad ang mga pangalan na nakalista sa folder
na yon subalit WALA akong pangalan dito. Sinabi ko nga sa mama na wala doon ang
pangalan ko. Tinanong ako nito: “Pinakita mo na ba ito (verification slip) sa
window 10?” Siyempre sinabi kong hindi at sinunod ko lang ung nakasulat sa
tarpaulin. Ang sabi uli saken: “E kasi dapat makita muna nila ito at sila ang
magche-check kung nadeliver na nga ito dito.” Sa isip-isisp ko “Para saan yung
paghahanap ko ng pangalan ko sa makapal
na folder na yon at yung iba pang folder na binabasa niya kung di niya makikita
dtto kung may delivery na nga?” Gayunpaman hindi ko tinanaong ang mamang iyon.
Bagkus kinuha ko ang pangalan niya bago ako pumunta sa window 10 sa ground
floor. Nagpakilala si mama na Eduardo.
Sa ground floor dumiretso nga ako sa Window 10. Wala akong
nadatnang tao. Nagantay saglit at nang wala akong maantay kinausap ko ang
nakatao sa Window11. Binigay ko ang verification slip at nakiusap na i-check
ito. Sinabihan ako na umupo muna at
tatawagin na lang ang pangalan ko. Nakita kong nag-check ang empleyadong
ito sa computer niya. Maya-maya tumayo ito at inabot ang verification slip ko
sa isa pang empleyado na nasa window12 naman. Narinig ko ang pangalan ko
umalingawngaw mula sa window12. Lumapit ako at nakinig sa sinabi ng empleyado
ito.
Ang sabi: “Kinausap ng kasama ko yung kartero at chinek niya
sa data. Wala pa ito dito. Wala siya sa data namin.”
Sinagot ko siya ng isang tanog: “Kuya, kinausap niya yung
kartero?”
Empleyado: OO
Ako: Kuya hindi ko siya nakitang umakyat para kausapin yung kartero at hindi ko siya
nakita na tumawag sa telepono bakit mo sinasabing kinausap niya yung kartero? Anong
pangalan mo kuya?
Empleyado: Bakit? Bakit mo kinukuha ang pangalan ko? E di
i-check mo pa pangalan mo dito sa nomputer para makita mong wala sa record.
Diskompiyado ka masyado.
Ako: Kuya wala akong problema sa record niyo. Kung wala
pangalan ko diyan babalik ako sa SSS. Kinukuha ko pangalan mo para pag tinanong
ako kung sino nagsabi may mababanggit akong pangalan ganun kasimple.
Empleyado: E wala nga e. O, eto icheck mo pa! (sabay pakita
sakin ng monitor ng computer nito).
Ako: E kuya wala nga akong problema sa inyo e (sabay alis sa
window 12 at dumiretso sa window 9).
Sa Window 9
Ako: Mr. umakyat kaba sa taas para kausapin yung kartero
tungkol dito? (pinakita ko verification slip ko)
Empleyado: Hindi sir.
Ako: Tumawag ka ba sa kartero?
Empleyado: Hindi sir.
Ako: Pero wala nga ito sa record niyo?
Empleyado: Chinek ko sir wala po e.
Ako: Anong panglan mo mister?
Empleyado: Gian po.
Ako: Yung nasa Window 12 anong panglan?
Empleyado: Dante po.
Ako: Thank you Mr. Gian.
Umalis ako sa ground floor at bumalik sa second floor upang
kausapin si kuya Eduardo.
Sa second floor.
Ako: Kuya wala daw sa record e. Paano kaya ‘to?
Eduardo: E wala kung ganun.
Ako: Ganun lang kuya? (Medyo nagulat ako sa kanyang sinabi
na para bang wala nang pakialam.) Anong apelyido mo kuya? (Dahil nung
pagkakataon na yon gustong gusto ko nang gawan ng report ang nagyayari.)
Eduardo: Bakit? Bakit mo kinukuha? (Pasigaw)
Ako: Gusto ko lang gawan ng report ang pangyayaring
ito…(Inudlot niya ang sasabihin ko pa.)
Eduardo: Bakit mo kami gagawan ng report? Ikaw na nga ang tinutunlungan!
(Lalo pang tumaas ang boses)
Ako: (Di ko napigil ang sarili ko at tumaas na rin ang boses
ko.) Kuya, hindi mo ako tinutulungan! Ginagawa mo lang ang trabaho mo. Isa pa
hindi kayo ang gagawan ko ng report kundi ang pangyayaring ito na nawawala ang
record ko sa post office na ‘to at salungat yan sa claim ng SSS na andito na
nga!
Isa pang mama sa table: Huwag kang magalit. Inaayos na nga
e.
Kinuha ko ang verification slip sabay sabing: “Hindi naman
ako dapat magalit.” Tumingin ako kay mang Eduardo at sinabihan ko ng: “Maraming
salamat po sa tulong niyo ha.” sa tonong pinuno ko ng sarkasmo. Umalis ako at
bumalik sa SSS.
Sa SSS tinanong ko ang isang empleyado na nagngangalang
Dominik. Tinanong ko kung pipila ako uli para sa priority number upang tanungin
kung talagang na-deliver na sa post office ang card ko. Sabi niya hindi na raw
kailangan at dumiretso na lang ako sa counter 54 kung saan ko nakuha ang verification
slip at doon ko itanong.
Sa counter 54 kinumpirma ni Ms. Cecilia na nadeliver na nga yung
ID ko sa post office. Ipinakita pa nito ang monitor niya at isang pad kung saan
nakasulat ang delivery date at tracking number. Kinunan ko ng picture yung pad
at bumalik sa post office.
Sa post office dumiretso uli ako sa second floor. This time
hindi na si manong Eduardo ang nasa mesa kundi yung isang mama na sinabihan
akong huwag magalit. Ganun pa man nakita ko si mang Eduardo di kalayuan sa
likod ng mama sa mesa. Tinanong ko ang mamang ito wari’y di ko nakita si mang
Eduardo.
Ako: Nasan po si kuya Eduardo?
Mama: Pakiantay na lang lumabas
siya pabalik na ‘yon. (aba! si Mang Eduardo pala ay may doppelganger?)
Ako: Si Mang Eduardo po lumabas?
Mama: Oo, pero pabalik na ‘yon antayin mo na lang.
Ako: (Nakita kong papalapit si Mang Eduardo) Yan kuya o si
Kuya Eduardo.
Eduardo: Ano yon?
Mama: E hindi naman Eduardo pangalan niyan e.
Ako: E nagsinungalinag pala kayo kung ganun? (sabay tingin kay
Mang Eduardo. Walang sumagot bagkus ay tsinek ang verification slip na inabot
ko.)
Biglang may lumapit na tila mabait na kartero. Ito’y
mejo bata pa kung ihahambing sa dalawang
kausap ko.
Batang Kartero: Sir ganito na lang po. Dalhin na lang po
ninyo ito (tangan ang verification slip) sa records section, Hanapin niyo posi
Ms. Heidi doon.
Ako: Ako ba mismo magdadala nito?
Batang Kartero: Opo, doon lang yun (sabay turo sa malapit).
Ako: Ah okay. Hahanapin ko lang si Ms. Heidi?
Batang Kartero: Opo.
Ako: Salamat ha (sabay kuha sa verification slip at nagtungo
na nga ako sa Records Section).
Pagpasok ko ng opisina.
Ako: (Bilang iisang babae ang nanduroon that time I assumed
na siya na si Ms. Heidi na binanggit ng batang kartero.) Ms. Heidi?
Babae: (Hindi ako sinagot. Tumingin saken sabay tayo at kuha
ng verification slip). Hindi ako mag-chechek nito. (Lumabas ang babaeng ito na
naka tsinelas lamang na walang sinabing malinaw sa’ken.)
Pagbalik ng walang respetong babaeng ito:
Babae: Window 12.
Ako: Pupunta ako sa window 12?
Babae: Oo.
Ako: (Nagpipigil ako nung sandaling iyon. Wla akong sinabing
kahit ano sa babaeng ito tungkol sa behavior niya, Bagay na pinagsisihan ko
dahil sigurado ako na gagawin niya uli ito sa ibang tao.)
Sa window 12 nagpunta ako, inabot ang verification slip, at
inantay na tawagin ang pangalan ko. Alalahanin na ang window 12 ay manned by
Dante someone.
Dante: Romeo? (lumapit ako sa window.) Boss pakisulat na
lang contact details niyo at kokontakin kayo ng kasama ko (pointing Mr. Gian sa
window 9.)
Sinulat ko nga ang numero ko at binigay kay Gian. Tinanong
ko kung hanggang kalian ako magaantay ng text niya. And sabi madami daw kasing
nakatambak na files kaya baka mejo matagalan. Tinanong ko rin kung mas madali
ba na mag-apply ako ng panibagong card o antayin ko na kontakin niya ako.
Sinagot ako na antayin ko na lang daw ang message niya. Bilang pinanganak akong
ubod ng kulit humingi pa rin ako ng timeframe ng pag-aantay. Sabi niya isang
lingo raw. Bago ako umalis tinanong ko kung bakit hindi siya naka-ID. Ang sabi
niya bago lang daw ciya kaya wala pa siyang ID. Sabi ko uli “Kayong lahat dito
bago? Kasi tingnan mo lahat walang ID.” Ngumiti lamang itong si Guian. Sa
kanyang ngiti batid ko na may pagaalinlanagn na itong sumagot. Gayong mabait
naman siya sa’kin nagpasalamat na lang ako at tuluyang nagpaalam.
Nakuha ko ba SSS ID ko? Oo. Three weeks after. : )