May mga taong tumutuligsa samga kapwa Pilipino natin na
pumupuna sa may kabagalang pamamahagi ng relief goods sa mga kababayan nating sinalanta ni bagyong Yolanda.
Sabi nila “Sana ikaw na lang si Pnoy; sana ikaw na lang ang gobyerno dahil baka
mas magaling ka at magagawa mo ang di nila kayang gawin.”
Napakalaking kahunghangan! Oo kalokohan na patulan at
tuligsain ang mga kritiko ng gobyerno ngayon. Sa dinami-daming ng di
magagandang gawain ng mga lider ng bansa, kung sino man ang mga ito, hindi
masisisi ang taong bayan na pagdudahan na ang
kakayahan at kredibilidad ng mga namumuno. Oo, hiindi lahat madumi pero
may kakayahan ba tayo na ituro kung sino ang malinis? Mas may kakayahan pa tayo
na tukuyin kung sino ang madumi dahil lantaran nilang ibinabandila sa publiko
ang mga putikan nilang barong.
Noong isang araw napanood ko si Pnoy na kinapanayam sa CNN.
Humanga ako sa ating pangulo. Matalas mag-isip at matatas sa pagsagot sa bawat
tanong na ipinukol sa kanya. Hindi ko siya nakakitaan ng bahid ng
pagaalinlangan sa mga salitang binitawan niya o pagkasindak sa mga tanong na
kumukwestiyon sa kanyang kakayahan bilang lider. Kaya naman pala si Pnoy ang
nahirang na lider ng ating bansa dahil may kapani-paniwala siyang kakayahan. Kung
ako na ordinaryong mamamayan ang nakaupo sa silyang inupuan ni Pnoy, malamang ‘di
ko kakayanin. Kaya nga ‘di ako tumakbong presidente o kahit tanod man lang sa barangay.
Pero tao, nabibigyan ko ng kahulugan ang bawat salita o bawat aksiyon na naririnig
ko o nakikita ko, at wala akong ibang magagaw kundi ibahagi ang bawat
kapiranggot na opinyon ko, upang malaman din kung tama ba o mali ang bawat kong
hinuha. Ang punto ko rito, “Kung ang ordinaryong mamamayan pinuna ang pamamalakad
ng magaling nating gobyerno, hindi sila dapat kastiguhin. Sapagkat maliban sa
karapatan nilang magtanong o pumuna, ito lang ang maaari nilang itulong sa
bansa.” Oo, tulong din na maituturing ang mga kritisismo. Yan ay kung ituturing
ang mga kritisismong ito sa positibong
perspektibo.
Sapagkat sa bawat organisasyon kailangan na may pamumuna.
Kung walang puna, perpekto na ang organisasyon at wala nang espasyo para sa
pag-unlad. Malinaw na hindi tayo perpektong nasyon. Mapagkunwari ka kung di ka
aayon. Madaming kapuna-puna na dapat malaman ng gobyerno para alam nito kung
paano kumilos tungo sa pag-unlad. Ang mga punang ito ang batayan upang malaman ang bawat kahinaan ng
pamamahala ng kung sino mang mga ider na niluklok ng taong bayan. Kung panay
paupuri ang ipupukol sa gobyerno, ano na lang ang mangyayari? Magiging kampante
ang mga lider na gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang pamamaraan. Hindi
nila isasa-alang-alang ang kapakanan ng taong bayan dahil wala silang naririnig
na boses ng pagmamakaawa, pagtatanong, o pagtuligsa. Kung ang mga malalaki at
mayayaman na bansa nga gaya ng Estados Unidos ay nakalalasap ng kritisismo mula
sa taong bayan nito, Pilipinas pa kaya?
P.S.
Goodbye Yolanda, huwag ka nang magbabalik.